Anak ng nanay! taytol pa lang ang weird na. Sino ba naman ang may matinong pag-uutak na magtatanong at kukumustahin ang isang inanimate thing gaya ng lapis? Yun bang pangangamusta na may kasamang damdamin at concern? Pero bago ka bumuo sa utak mo ng kasagutan o opinyon, hayaan mo munang mabasa mo nang buo ang gusto kong isaysay sa'yo. Relaks ka lang dahil ako na nagtanong nito ay garantisado namang nasa matino pang pag-uutak. At kung matino ka rin, tiyak na magkakaintindihan naman tayo parekots, marekots, at maskots. So here we go, sago...Ang Nakaraan. Mahilig ako sa lapis. Noong bata pa ako ay amazed na ako sa lapis. Sa pagkakatanda ko nga, kapag nakakahawak ako at gumagamit ng lapis, may kakaibang thrill akong nadarama. Para sa'kin, mas higit pa ito sa baril-barilan, espadang patpat, bola, goma, eroplano, robot, karton, tansan, balat ng kendi, kahon ng posporo, and the rest of my fragile & trash toys. Napakadali kasi nitong i-handle at paglaruan. Parang upgraded at lite-version ng aking espadang patpat. Andun pa rin yung nakasanayang tulis na sapat ipangtusok ng mata ng bawat buskador at mapang-alipin kong mga kalaro. Na bagaman hindi talaga yun ang purpose ng pagkakagawa sa lapis, ay may gumagawa talaga ng ganun. Sa panahong nagigipit at naiipit, sa lapis ako kumakapit ng mahigpit (hwaw, may rhyme). Alam kong pwede ko din magamit yun as a weapon. Swerte na lang nila dahil holy ako at wala pa naman talaga akong tinusok nun sa mata. Dahil madalas ay matino akong mag-isip, resonable, at maawain (naks). Isinasaalang-alang ko yung consequences pag ginawa ko yung isang bagay na baka pagsisihan ko sa huli. Iniisip-isip kong baka mabali pa yung lapis ko, kawawa naman. Sayang yung advance features na meron sa lapis kumpara sa paborito kong espadang patpat. Ang lapis pwede kong ipansulat sa papel, pader, sahig, damit, at sa marami pang iba. So kung pantusok lang naman, naisip kong pwede na ang ordinaryong tingting ng walis o barbikyustik ang gamitin, just in case. Sing tulis, pero di sing mahal. Tapos nung pumasok na ako sa iskul, nagkaroon ng maraming kabarkada ang lapis ko. Meron nang iba-ibang kulay, tulis, tigas, at tingkad. At sabi sa'ken ni inay, ang tawag dun sa mga may kulay ay krayola. Sabi ko naman, colored lapis lang yun. Until, nalaman kong pareho pala kaming mali ni inay. Ang tamang tawag pala dun ay crayon. Tatak lang pala yung Krayola. Parang yung Frigider na tatak ng isang refrigerator, yung Colgate na tatak ng toothpaste, at Xerox na tatak ng photocopier. Tapos, naging aware na din ako na pagsamahin yung paggamit ng lapis at krayon. Kaya kong drowingan at kulayan ang lahat ng surface na pwede. Marami akong pinagtestingan. Kasama na dun ang makinis na salamin, tsinelas, balat ng prutas, at pati balat ng tao. Basically, ang lapis ay ginagamit kong panulat. Kahit puro lines, zigzags, small circles at big circles lang ang nagagawa ko nung umpisa hanggang sa natuto ng iba pang symbols at mga letra. Gudnews, dahil madami talaga akong natutunan. Hanggang sa feeling ko ay lumelebel-up na ako dahil tumataas na yung nakalagay na numero sa mga ginagamit kong mongoloid pencils. Hanggang sa nalaman kong may sistema ek-ek pa pala ng pagklasipika sa mga lapis na gamit ko. Yun bang mga numero (1,2,3,4) o letra (H-ard,B-lack,F-ine) na pangkaraniwang nakikita sa mga ito. Tsk. Ako lang pala ang nag-akalang lebel-up yun.
Ang Kasalukuyan. Sa mga panahong iyon, iba-ibang klase na rin ang nagamit ko. Merong mahaba, mataba, matulis ang tasa, hubad o yung walang bahay, nawalan ng pambura, may marka ng kagat ng ngipin, nabali na't yung natirang kaputol ay di na kayang maipangsulat, o kaya'y biglang naiwala ko na pala. Pero lagi pa rin akong may lapis, no matter what. Madalas ko pa rin itong nilalaro at pinapaikot sa mga daliri ko pag meron akong iniisip o kahit pag wala lang. Kahit hindi ko na kinakagat yung bahay nitong kahoy ay nagkakagalos pa rin ito dahil sa ginagamit ko din itong drumstick at hinahampas sabay to the beat. Pero ok lang. Dahil natutuhan ko ng mag-ingat ngayon. Mag-ingat sa bagay na mahalaga para sa'ken. Hindi na rin ito basta-basta nababali kahit ilang beses pang bumagsak. At sinisiguro ko ring always sharp and bold ito for whatever purpose it may serve. Hindi na ako masyadong pihikan kung anong kulay, kinis, o brandname na makikita sa panlabas nitong hitsura. Ang mas inaalala ko na ngayon ay yung purong lapis na nasa loob ng kahoy.
Ang Hinaharap. Dahil kung yung mismong nasa loob ang mabali o masira, kahit pa sabihing buo pa naman yung nakabihis ditong bahay ay wala na ring kwenta. Wala ng silbi. Wala na yun sa katinuan. Hindi na kayang lumikha ng linya, o ng hugis, o ng anomang letra. Hindi na ito makakabuo ng salita, ng pahayag, ng damdamin. Hindi na rin ito makapaglalarawan ng anomang ideya, ng inspirasyon, ng sining. Hindi na pwedeng tasahan pa uli, upang muling tumalas pa at mahubog. Ito'y gaya na lang ng ordinaryong patpat para ipanusok sa kapwa o ipanaksak. Nawala na ang malikhaing kagamitan. Ang natira ay yung pisikal, yung brutal, yung sandatang nakakapinsala ng lupang katawan. Yung pwedeng-pwede ng itapon. Iwala. Dahil wala namang laman. Wala na.
Kaya nga ang tanong ko ngayon sa'yo, "Kumusta naman ang lapis mo?"
Ako? Ayos na ayos pa naman. Sharp and bold.
Sinsero,
Holy Kamote



Kung ikaw ay Blogger din gaya ko, mapapansing may dalawang options tayo sa Settings > Comments > Show Comments in a Pop-up Window. Mamili ka kung Yes o No. At ang kung ako ang pipili mas gusto ko yung hindi pop-up. Bakit? Kasi ang pangit tignan ng pop-up comment kapag sa Firefox. Hindi sakto yung width ng window, kaya nalaglag yung mismong comments form. Asar!
