Gusto mo bang malaman kung ano ang paboritong libro ni HK?
HUDAS KA! Bakit hindi mo kilala si HK?
Ano na, hindi pa rin talaga?
Ok fine tree. Kilala mo man o hindi si HK; gustuhin mo man o hindi na malaman ang paboritong libro niya; hindi na kita bibigyan ng multiple options. Wala ka ng pagpipiliian, at wala ka na ring magagawa pa.
At yamang nandito ka na rin lang at nagbabasa, gusto kong malaman ninyong lahat na kaluluwang naligaw, napatalon, napatambay, naaadik, at halos nakikitira na dito sa pamamamahay ko at madalas ding magkomento... ANG PABORITONG LIBRO NI HK.
Ngayon ay matutuklasan mo na ang isa sa aking sikreto bakit ako ganito kagwapo, kagago, kakulit, kabait, kamote, at kabanal.
Kung handa ka na, huwag ng mag-atubiling pindutin ang read more [+]
Tumpak ang iyong hinala! Biblia ang paboritong libro ni HK. (kung ibang libro ang akala mo, pwet... nagkakamali ka. bwahahaha.)
Makapal talaga ang librong ito. Makapal pa sa mukha ko. Pero halos kumpleto na kasi ito sa mga tipo ng babasahin na gusto ko. Meron na ditong nakapaloob na history, math, science, arts, language, medicine, architecture, philosophy, politics, romance, crime, suspense, horror, action, tragedy, heroism, war, culture, adventure, drama, comedy, music, poetry, at napakarami pang iba. (ayan, pwede ka ng huminga.)
ANG BIBLIA ay nagmula sa salitang biblion (meaning: papel, balumbon, o aklat) na galing naman sa salitang byblos o yung tinatawag sa Egypt na papyrus. Ito ay pinagsama-samang mga libro o compilation ng sulat ng iba't ibang tao sa magkakaibang agwat ng panahon. Kahit hindi naman nagkita o nagkausap personal o nag-txt o way-em ang bawat manunulat nito, mababanaag na may harmony o pagkakaayunan ang bawat diwa at pahayag dito. Kahit pa napakatagal na ng panahong nakalipas at napakarami ng sakuna, digmaan, kaguluhan, at kung anu-ano pang pangyayari sa kasaysayan ay himalang naka-survive ito upto present. Salamat din sa mga natutunang teknolohiya ng tao at makabagong pamamaraan na hanggang ngayon ay patuloy na nakakapag-reproduce ng kopya nito sa iba't ibang lengwahe. Yung sinabi at isinulat noong nauna ay pinatunayan naman ng mga sumunod na pangyayari. Pagkatapos matupad yung mga naunang pangyayari, sa bawat panahon sumunod ay may pahayag ulit na sasabihin at isusulat din para mabasa naman ng mga susunod sa kanila. Isang naaaaaaapakagandang kwento na ang nilalamang istorya ay naaaaaaapakahaba din. (Pero dahil malakas kayo sa'kin, isoshortcut ko na lang sa sarili kong pamamamaraan. So, here it goes...)
Ang kwento ng Biblia ay tungkol sa pag-ibig ng Dios na pinakamakapangyarihan sa lahat, kasama ng kanyang bugtong na Anak, ay lumikha ng lahat-lahat ng mga bagay, nakikita mo man o hindi. Kumpleto na ang kwento — bago pa simulan ang plano, hanggang sa nasimulan na nga, at tuloy-tuloy pa rin ang episodes hanggang sa makarating sa dulo, tapos, tuloy-tuloy uli hanggang sa wala ng katapusan! Ang dami ring casts o roles dito at marami ding bida. Pero may isang anghel na ang tawag ay lucifer o maningning na tala sa umaga (morning star) na sa sobrang kinang ay kahit umaga ay talo pa niya ang liwanag ng araw! (Oo, mas maliwanag pa sa haring araw na sinasamba ng mga katutubong ewan at egyptians na pinangalanan nilang 'Ra'. Saka ko na idadaldal ang iba pang detalye, katunayan at reperensya para hindi humaba ang diskusyon.) Therefore, ang anghel na ito ay ang naging kontrabida at nuknukan ng inggitero na sagad hanggang buntot! Wala ring tatalo sa pagka social climber niya sa taas ng kanyang gustong akyatin at pwestuhan. Biro mo, gustong agawan ng trono ang Anak ng Dios na si Hesu-Kristo! Hangtaray ng sungay nito, tsong. Bumuo pa ng break-away group. Pumusisyon sa oposisyon at nagtawag at nag-recruit pa ng mga katulad niyang mga inggiterong anghel.
Para sa'kin, hindi lang ito "Best Selling Book of All-Time", but also THE BEST BOOK EVERYONE SHOULD READ. Kahit saan pa daaning standards, daig niya ang mga libro ni Bob.Ong-Pinoy, Code of Dan Brown, Code of Kalantiaw, dictionary, encyclopedia, telephone directory, newspaper, ebook, textbook, pocketbook, notebook, komiks, kokongban, intermediate pad, 1/2 crosswise at lengthwise, scratch paper, tissue paper, balat ng tinapa, balat ng kendi, balat ng sibuyas, at kahit pa sa balat ng buong blogosperyo!
Paborito ko talaga ito. I fave it! Ilang beses ko na rin itong nabasa at hanggang ngayon ay paulit-ulit ko pa ring binabasa. Ganon ko siya kapaborito! Bagaman marami na din akong librong nabasa/binabasa/babasahin pa ... hindi ko masasabing mahihigitan ng ibang libro kung paano ko naging kapaborito at kadalas basahin ang Biblia.
Ang pinakaunang bersyon at kopya ng Biblia na nagkaroon ako ay noon pang nasa gradeskul ako. Yung Gideon Bible na tagalog ay maliit at kulay chocolate brown, Bagong Tipan ang nilalaman nun. Namigay din sa aming iskul ng kulay blue naman at english. Tuwang-tuwa talaga si ako dahil hangkyut-cute nito at feeling ko ay oramismong tinubuan ako ng maliit na pares ng pakpak sa likod at may kumikinang na heylo sa ulo ko pagkahawak na pagkahawak pa lang. Pero dahil nga lahat ng estudyante sa buong eskwelahan ay binigyan ng ganon, pati yung pinakasiga at pinakabrutal sa iskul namin at madalas mapatawag ang magulang sa opis o sa guidance counselor, ay kapareho ko ding tinubuan ng pakpak. Napakabait pa nga nito at napakagalang ng magsabing "tenkyu po" dun sa mestizang gurl na nagpapamigay ng libro. Pero dun ko agad napagtanto ang isang katotohanan na hindi lahat ng nakakahawak ng librong iyon ay nagiging banal. Mabilis pa sa alas-kwatro ay pinatawag uli si notorious-student#1 ng titser dahil sa sumbong na pinakielaman niya ang baon ng may baon, at hinalungkat pa talaga sa bag na hindi naman kanya. Parang nakikinita-kita mo na yung senaryo — na sa kabila ng kanyang mala-anghel na pakpak, maamong mukha, at magalang na pananalita ay litaw na litaw sa anino niya na may buntot ito at hugis tinidor pa yung dulo.
Kinalaunan, nalaman kong may mas makapal pa pala sa cute-mini-bible ko, at madami pang ibang bersyons at kulay, pero mas type ko yung black. Nalaman ko rin kung saan yung Philippine Bible Society at mas mura kang makakabili ng malalaking Biblia pati yung magkasamang english-tagalog o diglot. At sa aking paggamit ng kompyuter at web-wide-world, natuklasan ko rin ang website ng E-Sword.net na namimigay ng libreng Bible software at napakaraming translations at add-ons. Marami na ding available na bible browser para sa mga selepono.
Sa tanang buhay ko, may ilang beses na rin akong nawalan ng Biblia, nagpalit, namigay, at bumili ulit. (Wag niyo ng itanong kung ilang beseses yun dahil hindi ako ganun kaadik sa numero para magbilang.) Sa ilang beses ko ring pagbabasa nito, na sa palagay ko naman ay naunawaan ko kahit paano, ay aminado akong marami pa rin akong hindi na-gets. Madami ditong misteryo at malalalalim na bagay na malibang ikwento sa'yo ng nakakaalam talaga ng paliwanag ay hindi mo maiintindihan. Nakinig at nagtanong na ako sa maraming mga nauna ng nagbasa ng Biblia at nangangaral sa simbahan, eskwelahan, bahay, plaza, palengke, bus, publikasyon, radyo, tv, at meron na din ngayon sa internet. Magkakaiba sila ng interpretasyon, kaya naman obyus na magkakaiba-iba din ng grupo at nagtayo ng kanya-kanyang relihiyon, although lahat ng gumagamit ng Biblia ay nagke-claim na pare-pareho daw Kristiyano. Sa'kin naman, hindi ko pinuproblema kung gaano man sila kadami at hindi naman ako ganoon katanga para madaling magpauto. Basta ba kasang-ayon sa alam kong nasusulat at nababasa sa paborito kong libro ay ayos lang sa'kin. At lalo pang lumawak ang pananaw ko sa palagiang pagtatanong sa mga bagay na alam ko, inaakalang alam ko, pati yung hindi ko talaga alam. Kahit hindi ko kapareho ng paniniwala ay nagiging kaututang-dila ko. Hangga't may sense ang usapan at wala namang magsu-supersaiyan5 o yung mainitin ang ulo na manghahampas ng bote, mananaga ng leeg, o kung ano pa mang sakitang panlaman at pagdanak ng dugo... tuloy-tuloy pa rin ang usapan at kwentuhan. Basta makatuwiran naman yung mga ipinupunto at katanggap-tanggap din sa aspetong lohikal, natural, moral, et al... apir tayo jan!
Kung hindi ka pa nakakapagbasa ng Biblia sa tanang buhay mo, o kung meron ka mang Biblia sa bahay pero dahil sa kapal nito ay hindi mo man lang nababasa at kasing-kapal din yung alikabok nito sa ibabaw ng altar... tapos ang lakas ng loob mong tumawag kay Lord na "Papa Jesus" para humingi ng bagong gf/bf/pc/cp/psp/eepc/etc ... aba, aba, aba ... maghunos-dili ka nga.
Tsaka hindi mo ba naiisip na malaswang tawagin mong "PAPA" si Jesus, tapos yung nanay naman niya ay tawaging "MAMA" Mary ... dahil mag-ina sila at hindi mag-asawa. Haynaku, kaninong anak ka kaya? tsk.tsk.tsk.
(PS: Sige, next time na lang ako gagamit ng biblical passages para naman mabasa niyo mismo sa Biblia at kayo na ang bahalang mag-discern kung pinipilosopo ko lang ba kayo o totohanan lang.)
----------------------------------------------------------------------
Maraming salamat sa idineklarang special non-working holiday ngayon (Mon, Feb.25). Nagkaroon ako ng mahabang time para sa aking sarili. Heto at napagtripan kong maging photographer at model. Nahirapan akong magpakuha ng piktyur kasama ang paborito kong libro gamit ang Canon EOS 400D Digital Camera sa harap ng salamin. Pero sa bandang huli, nadiskartehan din. Pinagpapawisan na ako sa kakapose d'yan, hindi lang halata. Hay Kamera!
Sinsero,
Holy Kamote
read more [+]
read less [-]